Saturday, November 24, 2012

Midwives of God's Kingdom


Stewardship: Midwives of God’s Kingdom

A sermon preached in the Stewardship Sunday of the Tagalog Service at the Kamuning UMC last Nov. 18, 2012.

Text: Mark 13: 1-8

Ang Diyos ay sumainyo...
Noong una kong binasa ang teksto natin ay naalala ko ang una kong pasyente na tinulungan kong manganak. Ang tagal ng kanyang labor. Dumating siya ng gabi at halos 14 hours siyang naglabor dahil kinabukasan na siya nanganak. Sa loob ng 14 hours nay un ay sakit na sakit siya. Humihilab daw ang tyan nya at pumapalo hanggang sa likod. Sabi ng residente ko ay ganun talaga ang nanganganak at kailangan ko lang siyang alalayan at siguraduhin na hindi magkakaproblema habang nag-lalabor. Noong manganganak na siya ay kinakabahan ako dahil first time ko at hindi ko alam ang aking gagawin. Sabin g residente ko ay huwag ako matakot dahil lalabas at lalabas din ang baby, kailangan ko lang alalayan ang nanay at hawakan ang ulo, hilahin pababa at pataas para matulungan mailabas ng maayos ang bata. Paalala ng residente ko sa akin, manganganak at manganganak din yan, kailangan ko lang alalayan para may mabuti at maganda ang panganganak ng ina sa bata.
Ang teksto ngayon ay hango sa Marcos 13:1-8. Ang Marcos ay kilalang libro kung saan madalas ay nag-iiwan ito ng mga katanungang kailangan nating sagutin. Pakinggan natin kung ano ang challenge sa atin ngayon sa pagcelebrate natin ng Stewardship Sunday. Ngayong umagang ito ang ating teksto ay patungkol sa kwento ni Hesus kasama ang mga disipolo  at papalabas sa templo. Noong isang linggo ay narinig natin na binabatikos ni Hesus ang mga lider sa templo na lihis ang kanilang kalooban. Ngayon naman ay napansin ng mga disipolo ang kagandahan ng templo at ang gara nito. Ngunit si Hesus ay hindi na-impress sa panlabas na ganda nito at sinabi niyang masisira din ito sa takdang panahon.
Tinanong ng mga disipolo kung ano ang mga tanda kung kelan ito mangyayari. Nakakatakot ang sagot ni Hesus dahil parang katapusan na ng mundo kung mangyayari ito. Eto ang sabi niya, mangyayari eto kapag nakikita nangyaring:
o   Masisira ang mga matitibay na bagay tulad ng templong gawa sa malalaking bato
o   Ang mga bayan ay mawawasak ng digmaan
o   Ang lupa ay guguho, magkakaroon ng kalamidad, baha, bagyo, lindol
o   May tag gutom na mangyayari
Hindi ba parang ngayon lang yun? Hindi ba meron tayong nakikitang ganito, tulad ng:
o   may digmaan sa mga bansa…
o   may gulo sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde…
o   bagsak ang pandaigdigang ekonomiya… kaya mas madaming naghihirap
o   madami ang walang trabaho…
o   madami ang namamatay sa gutom… dahil kulang na sa pagkain
o   may pag-aaway sa mga kaibigan at sa pamilya kahit sa loob ng simbahan…
Nagbabala si Hesus, mag-ingat kayo, sa panahong ito ay madami ang magpapanggap na messiah. Sa panahon na tayo ay nakakaranas ng problema, paghihirp, kasakitan, mas madali tayong nabubulag sa hindi tama. Madali tayong maloloko dahil naghahanap tayo ng mabilis na solusyon. Sa mga panahong tayo ay tuliro, may magpapanggap na tutulong na ibalik ang dati at pipigilan at aalisin ang sakit at hirap na ating dinaranas sa buhay. Ang mga huwad na messiah ay pipigilan nila ang labor pains. Gusto nila na tulad lang ng dati, na walang kirot, walang problema, ok sana yung walang problema pero ang ibig sabihin nun ay wala ding pagbabagong magaganap o maaaring mas masama ang kalalabasan.
Maalala ko yung kwento ng bata at ng paru-paro. Siguro narinig niyo na ang kwentong ito. May isang batang pinapanood niya ang maliit na caterpillar na umikot at gumawa ng cocoon. Habang naghahanda ang uod na lalabas sa cocoon para maging butterfly ay gumawa ito ng maliit na butas. Ngunit para bang hirap ang uod na lumabas sa maliit na butas. Naawa ang bata sa uod. Naisip ng bata na baka hindi maging butterfly ang uod kaya gusto niya itong tulongan. Nilakihan ng bata ang butas ng cocoon para makalabas ang uod. Ngunit hindi alam ng bata na ang maliit na butas, ang tila hirap na dinaranas ng uod ay isang proseso lamang upang maging ganap ang kanyang transpormasyon bilang isang paru-paro. Imbis na makatulong ay nakasira pa ito dahil hindi natanggal ang mga sobrang tubig, hindi nahanda ang pakpak ng uod para maging paru-paro. Minsan ang hirap na dinaranas natin ay kailangan upang mas mapaganda ang kalalabasan ng isang bagay.
Kaya hindi kayo magtataka (may mga OB ba ditto?) na ang painless or epidural ay may kasabay na mataas na incidence ng Caesarian Section. Ayon sa mga pag-aaral, ang mga nanganganak ng painless ay may mas mataas na risk na mauuwi sa Caesarian Section. Hindi naman ito nakapagtataka dahil ang labor pains ay isa sa mga mekanismo na kung saan ay bumababa ang bata hanggang siya ay mailuwal. Kaya ang nanay na naka-painless ay nawawalan ng pagkakataon na makatulong na i-ire ang bata para mas mapabilis at mapabuti ang panganganak niya.
Kung may mabuting maidudulot pala ang labor pains dapat wag nating tularan ang mga nagpapanggap na messiah. Huwag tayong maging tulad sa mga pekeng messiah na susubukang pigilan ang hirap at sakit at ibalik ang dating nakasanayan na. Sabi ni Hesus na mga peke sila, na para bang ang pagbabago at ang pagdating ng kaharian ng Diyos ay isang bagay na puede nilang pigilan. Hindi puedeng pigilan ang birthpangs na ito. Ang mga bagay na nangyayari dahil kasama ito sa planong pagbabagong ihahatid ng diyos.
Ang matindi, sabi ni Hesus, ang mga masasakit at malulungkot na pangyayari na parang birth pains ay simula pa lamang. Sa orihinal na Greek version, ang ginamit na word ay odin, na ang ibig sabihin ay ‘pang’ or pain or spasm. Ito yung klase ng sakit kapag ikaw ay may dyspepsia, na parang pinipilipit ang tiyan mo. Pero ang mas akmang sakit na ito ay tulad ng sakit ng panganganak. May tinatawag na Braxton Hicks sa medisina, ito yung false labor before mangyari yung true labor pains. Parang panganganak kasi masakit siya sa umpisa pero alam mo na may mabuting maidudulot yun sa kinalaunan. Alam ng ina at ng anak na bagamat mahirap ang pagdaraanan nila ay pagkatrapos nito ay matinding kaligayahan ang madarama nila. Kung ang birthpains pala – kung ang mga paghihirap na dinaranas natin ay tanda lamang ng simula ay hindi tayo dapat matakot dahil alam natin na may mabuting mangyayari pagkatapos.
Ito ang pangakong nagbibigay sa atin ng pag-asa, na sa likod ng kirot ng ay may kasiyahan. Ito ang magandang balita mga kapatid, “Na kahit na tayo ay dumaranas ng paghihirap, kaguluhan sa ating mundo, sa ating lipunan, sa ating pamilya at kahit sa ating iglesya alam natin na sa kabila nito ay ang kagandahan at kaligayahang naghihintay dahil bahagi ito ng plano ng Diyos upang tuluyang maganap ang paghahari niya sa atin at hindi na ito mapipigilan.”
Ngunit hindi ibig sabihin na sigurado na ang pagdating ng kaharian ng diyos ay wala na tayong gagawin bilang mga kristiyano. Ito, mga kapatid, ang tanong na kailangan nating sagutin. Alam natin na ang babaeng manganganak ay talagang manganganak kahit anong mangyari. Ngunit mayroong mga doctor at midwife na puedeng tumulong sa kanya upang mas maayos ang pagdating nga sanggol. Mga kapatid, hindi tayo tulad ng pekeng messiah na pipigilan ang kirot ng panganganak, bagkus tayo ay mga katiwala ng Diyos – mga midwife. Ang tanong sa atin, bilang isang katiwala ng Diyos dito sa lupa, paano ka magiging isang mabuting midwife na tutulung  na magiging mas maayos ang kapanganakan ng pagbabagong hatid ng kaharian ng diyos. Bilang katiwala ng diyos, paano ka tutulong na maging ganap ang paghahari ng Panginoon sa mundong ito?
Bilang katiwala at midwife na tutulong sa birthing process: Ano ang gagawin mo bilang katiwala upang makapagpahayag ng mabuting balita sa mga nagugutom? Sa mga may sakit? sa mga makasalanan? Sa mga ligaw ang landas?
Bilang katiwala ng Diyos, paano mo lalabanan ang kasamaan sa mundong ito? Mga kapatid, hindi tayo ang messiah ngunit bilang katiwala ni Hesus at tanging sa pangalan niya ay ano ang gagawin mo?
May mga papel diyan na puede niyong sulatan at sagutan. Ito ay sa pagitan mo lamang at ng iyong Diyos. Ano ang gagawin mo, ano ang ibibgay mo bilang isang midwife at katiwala para sa kaganapan ng pagpapalawak ng kaharian ng Diyos. Sagutin ito at ito ang pangako mo sa Diyos, at ihulog dito sa harapan mamaya habang umaawit ng himno. 
Sa ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espirito Santo. Amen.


References:
-          Matthew Henry’s Commentary of the Whole Bible. Mark 13:1-8.
-          Albert Barnes Notes on the Bible. Mark 13: 1-8.