Pareng Pepe,
Isang maalab na pagbati mula sa mga bagong bayani. Oo, mga bayani daw kami. Hinahanay kami sa mga katulad mo at ilan pang nagbuwis ng kanilang buhay para sa ating bayan. Marahil tinawag kami ng gobyerno na mga bayani dahil inaaasa nila sa amin ang pag-angat ng bayan na dapat sana'y kanilang sinumpaang tungkulin. Ngunit ang liham na ito ay hindi pagpuna sa kakulangan ng gobyerno. Mahirap pag-aksayahan ng panahon ang hindi nagbibigay ng tamang panahon para sa iyo. Nais ko lamang gunitain ang iyong kaarawan bilang tanda ng pasasalamat sa Poong Maykapal sa ginamit niyang buhay bilang huwarang Kristiyano upang mapulutan ng aral ng kapwa Pilipino.
Ang iyong dedikasyon sa pagpapahalaga sa kapakanan ng iyong kapwa Pilipino ay tanda ng isang mabuting Kristiyano. Katulad ng isa sa mga mahalagang pangaral ni Hesus, "mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng iyong sarili, (Marcos 12:31)" ang buhay mo ay naging halimbawa ng aral na ito. Hindi mo inalintana ang mga puedeng mangyari sa iyo, sa iyong pamilya at sa sarili mong buhay alang-alang sa ikabubuti ng maraming Pilipinong nagdurusa sa pang-aabuso at kawalang ng hustisya. Nagbunga ang iyong mga pasakit at nakalaya nga ang iyong bansa mula sa mga dayuhang mananakop. Ngunit nakalaya nga ba sila sa mga pahirap ng pang-aabuso at walang katarungan?
Ang tinuro sa iyo ng nanay mo na magdasal sa Diyos ay dala mo hanggang sa huling hininga mo. Hindi ka nakalimot sa iyong Diyos sa lahat ng pagkakataon lalo't higit sa mga panahong ikaw ay sinusubok. Ang tunay na Kristiyano ay laging inuuna ang kanyang Panginoon sa lahat ng bagay. Hindi ka nakalimot sa kung ano ang tunay na mahalaga. Nang ang simbahan ay lumihis sa turo ng Biblia, binatikos mo ito. Hindi ka lumayo, bagkos ang pag-ibig mo sa Diyos ang naging dahilan ng pagtuligsa mo sa mga mali na iyong nakikita. Hanggang sa huli, nananalig ka sa Diyos at siya ang iyong naging sandalan. Ang paglapit mo sa Panginoon sa huling sandali ng iyong buhay ay tanda ng mataimtim na pananampalataya na dapat tularan. Ang hinahon ng Diyos ay bakas sa iyong mukha bilang tanda ng lubos na pagsuko ng iyong buhay sa Kanya.
Ikaw ay bayani. Ngunit huwaran ka ding Kristiyanong matuturing. Nawa'y ang iyong halimbawa ay makita at maging inspirasyon para sa mga sisibol na tunay na bagong bayani.