Pareng Jose,
Ngayon ang iyong kaarawan. Dumaan ako sa iyong libingan sa Rizal Park kaninang umaga upang batiin ka. Ang dami ding tao para bumati sa iyo. Andoon ang mga karaniwang tao. Mga tagahanga mo na kung tawagin ay "Rizalista." Siempre andoon ang mga kilala at ginagalang na mga tao sa lipunan ngayon. Lahat sila ay nagsama-sama para alalahanin ang araw ng kapanganakan mo. May naghandog pa nga ng mga regalo at cake. Siempre may programa din para sa pagdiwang ng 150th birthday mo. Sa kabilang dako ay ang mga kabataan at mag-aaral na minsan mong tinawag na "pag-asa ng ating bayan" ay nagdiwang din sa pamamagitan ng Fun Run.
Ibang iba na ang lipunan ngayon kaysa kinagisnan mo. Wala na ang mga kolonyalista sa ating bayan. Wala na ang mga mapang-abusong mga prayle at opisyal. Ngunit hindi ko masasabi kung ito na nga ba ang pinapangarap mong malayang bayan. Malamang hindi rin.
Kung nabubuhay ka ngayon, lakas loob ka pa ring tatawag ng pagbabago sa lipunan, na hihingi ng kalayaan sa lahat ng uri ng mpagbihag na struktura ng lipunan, at isa ka pa rin sa magbubuwis ng buhay para sa pag-ibig sa bayan. Ngunit kahit wala ka na ngayon, maraming Pilipino ang nag-mana sa iyong malasakit sa bayan. Ang maganda ay marami ang namulat mo at napaalab ang puso sa pagmamahal sa bayan para sa pagbabago ng ating lipunan. Siguro malao-layo pa nga tayo sa pinapangarap mong bayan pareng Jose. Ngunit ang inspirasyon mo at patuloy ang diwa mo, patuloy nating maisusulong ang pagbabago sa isang magandang lipunan.
No comments:
Post a Comment