Ang sigaw ng autonomiya sa iglesya metodista sa Pilipinas ay matagal na nating naririnig. Paminsan-minsan, kada apat na taon ay mas lumalakas ang ungol nito. Totoo nga na ito ang bukambibig ng mga layko at Pastor lalo na ang mga gustong maging Obispo kada apat na taon. Ngunit, bakit natin hinihingi ang autonomiya?
Bakit nga natin hinihingi ang autonomiya?
Isa sa mga dahilan ng hiling ng autonomiya ng Metodista sa Pilipinas ay ang struktura ng ating iglesya kung saan naka-concentrate lamang sa Amerika ang kapangyarihan at ang mga proyekto ng pandaigdigang iglesya sa Metodista. Tama nga naman, dapat may representasyon din ang mga Pilipino sa usaping pandaigdigan ng Iglesya Metodista. Bakit, wala ba?
Ang isa pang dahilan ng paghingi ng autonomiya ay ang hindi angkop na mga batas at alituntunin ng Book of Discipline at programa ng General Boards sa konteksto ng Pilipinas. Dapat na tayong magsarili at gumawa ng sarili nating patakaran, alituntunin at mga programa na naaayon sa ating kultura at pangangailangan.
Ang Struktura ng Pinag-isang Iglesya Metodista (UMC) ay base sa ating Theology o pananampalataya at hindi lamang isang political structure.
Ang isiping ang Pinag-isang Iglesya Metodista (UMC) ay isang iglesya ng Amerika at ng mga Amerikano ay pananaw lamang ng isang hindi lubusang nakakaunawa ng istruktura ng ating simbahan. Dahil sa Amerika lumago at doon nabuo ang karamihan ng mga ahensiya ng Iglesya Metodista, kaya doon nakabase ang karamihan ng mga programa at gawain. Isipin mo na lang at ihalintulad sa Iglesya ni Cristo (ni Felix Manalo) na itinatag at lumago sa Pilipinas. Bagama't may mga kapilya ito sa Amerika, ang naging sentro ng kanilang gawaing simbahan ay sa Pilipinas pa rin dahil andito ang karamihan ng kanilang ahensya.
Ang struktura ng Pinag-isang Iglesya Metodista (UMC) na mula pa sa orihinal na konsepto ng mga Wesley ay nabuo dahil sa ating pananampalataya. Ang UMC ay hindi nahahati sa bansa kung saan ito napapaloob sa simpleng kadahilanan na ang ating pagiging Kristiyano ay hindi limitado sa ating pagiging Pilipino, maging sa kasarian, edad o ethnicity. Sabi nga sa Philippians 3:20, "Sapagka't ang ating pagkamamamayan ay sa langit..." (Our citizenship is in heaven). Marami pang theological implikasyon ang ating struktura, tulad halimbawa kung bakit ang mga Obispo, bagama't lider, ay hindi naman sila 'angat' sa ibang mga elder na Pastor. Ang ating pananampalataya rin ang dahilan kung bakit lahat ng obispo ay pantay-pantay at walang iisa lamang na pinuno tulad ng Santo Papa sa Romana Katolika.
Bagama't ang ating istruktura ayu naaayon sa ating mga paniniwala, nagkakaproblema tayo sa pag-angkop nito sa ating lokal na setting. Halimbawa na lamang ang Book of Discipline na karamihan ay hindi angkop sa Pilipinas. Bagama't ito ay totoo, hindi hadlang ang Book of Discipline na gumawa tayo dito sa Pilipinas ng mga bagay na naaayon sa ating kultura, klima at iba pang pangangailangan. Pinapayagan ito ng Book of Discipline ayon sa panuntunan tungkol sa mga Central Conference. Isang magandang halimbawa nitoy ay ang masigla at matagumpay na Kapatiran ng Nagkakaisang Kabataang Metodista sa Pilipinas (UMYFP). Ang istruktura at mga gawain ng UMYFP ay iba sa nakasaad sa Book of Discipline o UMYF sa America. Ang tagumpay ng UMYFP ay patunay na puede nating iangkop ang gawain ng Iglesya ayon sa ating pangangailangan.
Kung gayon, kailangan pa ba ng autonomiya?
Ang mas malayang paggalaw ng mga central conference sa mga gawaing simbahan at iba pang mga bagay na direktang nakakaapekto sa kanila ang isang malaking dahilan ng paghingi ng autonomiya. Ang tawag ng affiliated-autonomy ay isang paraan para makamit ito. Liban sa mas malayang paggalaw, may mga ibang bagay pa na kailangang mabago sa kabuoang istruktura ng UMC. Kabilang dito ang hinihingi na pagtugon sa lumalaking bilang ng mga kumperensya, ahensya at mga programa. Kung may mas magandang solusyon na sasagot sa lahat ng kailangang pagbabago, kabilang na ang autonomiya, ngunit nananatiling tapat sa ating theology at paniniwala, mas mainam siguro ito kaysa affiliated autonomy. Kung ano ito... Abangan...
No comments:
Post a Comment